MENU

Posted on March 21, 2022
by Maria Jessica O. Villantes

Photo by: Sir Russel Owen Viloria

Sino bang hindi magpapalakpakan ang mga tainga at tataginting ang mga mata kapag sinasambit ang pangalan niya o kaya’y maririnig pa lamang ang yabag ng kanyang mga paa upang iparating ang magandang balita?

 

Si 𝙂𝙣𝙜. 𝙃𝙖𝙯𝙚𝙡 𝘽. 𝙂𝙖𝙣𝙣𝙖𝙗𝙖𝙣, kahera ng Philippine Science High School-Cagayan Valley Campus (PSHS-CVC) ay 26 na taon nang naghahatid ng serbisyo sa paaralan. Tama, kahera, isang maganda at mabait na kahera mula sa La Torre South, Bayombong, Nueva Vizcaya. Kadalasan siyang nakikita pagpatak ng 7:30 ng umaga sa Administration Building mula Lunes hanggang Biyernes. Bahagi ng trabaho ni Ma'am Hazel na mangolekta at magbayad ng mga bayarin, magdeposito sa bangko ng mga koleksyon, iproseso ang sahod ng mga empleyado at manggagawa, maging ang allowance ng mga mag-aaral.

 

Ngunit, sino ano nga ba si Ma’am Hazel sa likod ng kompyuter, tseke, resibo at payroll?

 

Punong-puno ng pangarap ang buong pamilya ni Ma'am Hazel at sa murang edad ay maraming karanasan na magpahanggang ngayon ay 'di niya pa rin malilimutan sapagkat ang mga ito ang nagpatibay at humubog sa kanya. Bata pa lamang si Ma’am Hazel ay hindi na mabilang kung ilang beses niyang ipinakita ang kanyang tatag at lakas sa bawat paglaban niya sa kanyang buhay. Ipinanganak siya na "blue baby" kung kaya't lagi siyang nilalagnat o kinukumbulsyon na anumang oras ay maaari siyang bawian ng buhay kung hindi maagapan. Sa edad na sampu ay inoperahan siya sa puso noong Oktubre 8, 1985.

 

Hindi ipinanganak si Ma'am Hazel na may gintong kutsara sa bunganga. Natuto agad siyang mamaluktot sa maiksing kumot. Siya ay pangatlo sa apat na magkakapatid. Ang kanyang ama ay isang dyanitor sa isang paaralan samantalang nakipagsapalaran naman ang kanyang ina bilang domestic helper sa ibang bansa. Batid ng kanyang pamilya at kamag-anak ang kagustuhan nilang magkakapatid na makapag-aral kung kaya't sila ay nagtulungan upang makapagtapos. Nasubukan niyang magtinda ng ice candy at manguha ng kabibe sa bukid upang may pambaon noong siya ay nasa elementarya. Nang nagsekundarya naman ay tagaalaga siya sa kanyang pinsan tuwing bakasyon kapalit ng bagong uniporme, kuwaderno, panulat at papel para sa susunod na pasukan.

 

Pangarap ni Ma'am Hazel na maging nars ngunit dahil kapos ay mas pinili niyang kumuha ng kursong kahit papaano ay malapit sa kanyang pangarap, ang Batsilyer sa Agham sa Biolohiya. Pagkatapos ng ilang taong pagsusunog ng kilay ay nagtapos siya sa kursong ito taong 1993 sa Saint Mary College na ngayon ay Saint Mary's University. Nang makapagtapos ay nagtrabaho siya bilang klerk sa Nueva Vizcaya Science High School, dating pangalan ng PSHS-CVC, taong 1996 at kumuha ng accounting units upang tahakin ang karera ng isang kahera. Ilang overtime, puyat, at pagod din ang iginugol ni Ma’am Hazel hanggang natuntong niya ang posisyong Administrative Officer III bunga ng kanyang determinasyon at pagpupursigi.

 

Sinubok pa ang katatagan ni Ma'am Hazel nang sumapit ang pandemya dulot ng COVID-19. Dahil bahagi na ng kanyang trabaho ang paglabas sa paaralan ay hindi maiiwasang maitaya ang kanyang buhay sa panganib sa 'di mapigilang pagkalat ng virus. Laman siya ng bangko, Cebuana Padala, Palawan Express at iba pang kumpanya upang maproseso ang bayad, koleksyon at pasahod para sa mga empleyado at allowance ng mga mag-aaral. Sa hindi inaasahang pangyayari ay nahawaan siya ng COVID-19 na mas lalong nagpagimbal sa kanya dahil sa pag-aalala sa kanyang munting anak na apat na taong gulang pa lamang. Lubos ang kanyang takot at hirap na kanyang napagdaanan 'di lamang sa pag-aalala sa kaligtasan ng kanyang mag-ama maging sa mga taong umaasa sa kanyang serbisyo. Ngunit sa pagkakataong iyon ay mas naramdaman niyang hindi siya nag-iisa at kailangan niyang magpakatatag. Lubos ang kanyang pasasalamat sa mga kasamahang umantabay at umalalay sa kanya at tumulong upang hindi mahinto ang proseso ng kanyang trabaho at upang unti-unting malagpasan ang suliraning iyon.

 

Ilan lamang ito sa mga dagok at 'di malilimutang karanasan ni Ma'am Hazel na nagbigay sa kanya ng pagkakataon upang mamuhay sa kung anong mayroon siya, maging madiskatre, mapagpakumbaba at higit sa lahat ay palalimin pa ang pananalig sa Diyos. Gaano man kahirap at karami ang kanyang trabaho, mapalad pa rin siya at masaya dahil mahal niya ang kanyang ginagawa, hindi siya pinababayaan ng kanyang kasamahan at ng paaralan, at laging nagtitiwala sa Diyos. Lubos niya ring pinagpapasalamatan ang kanyang maunawain at mabuting asawa na si G. Marlon Gannaban at anak na napakalambing na si Hannah Gift, ganoon din sa mga ngiti at kuwentuhan na pinagsasaluhan nila ng kanyang mga kasamahan at ng mga mag-aaral na kahit papaano ay nagpapapawi ng kanyang pagod upang muling magpatuloy.

 

”Magpapatuloy ako para sa aking pamilya at sa lahat ng umaasa sa aking serbisyo," pagtatapos na pahayag ni Ma’am Hazel.

 

Sa bawat pagsambit sa kanyang pangalan, o pagbungad niya sa bulwagan, hindi na lamang ang mga kalansing ng barya ang maririnig sa kanya, kundi maging ang mga aral at inspirasyong buong pusong namutawi sa kanyang mga labi mula sa ilang taon niyang pagkarera bilang isang anak, mag-aaral, asawa, ina at kahera.