MENU

Posted on April 25, 2022

1. Supply & Delivery of 2nd Quarter Office Supplies, click here for DETAILS.
2. Supply & Delivery of 2nd Quarter Janitorial Supplies, click here for DETAILS.


Posted on April 11, 2022

1. Photocopy Services of Modules for PSHS-CVC for the 4th Quarter SY 2021-2022, click here for DETAILS.


Posted on April 21, 2022

1. Supply & Delivery of Laboratory Equipment - Two (2) Vacuum Dessicator Jars, click here for DETAILS.

Posted on March 30, 2022
by Maria Jessica O. Villantes

Photo by: Sir Russel Owen Viloria

Sa ngayon, hindi na lamang itinatakda ang mga kababaihan bilang mahusay sa gawaing-bahay, kinikilala rin maging ang matinding paghihirap at pagsisikap nila upang maabot ang mga pangarap at maipamalas ang katapangan at katatagan sa gitna ng pangsosyal at politikal na suliranin ng lipunan.

 

Si 𝘽𝙗. 𝘾𝙞𝙣𝙙𝙮 𝙈. 𝘾𝙪𝙢𝙖𝙝𝙡𝙞𝙣𝙜, 24 taong gulang, babae, tubong Amganad, Banaue, Ifugao ay apat na taon nang Science Research Specialist I ng Philippine Science High School-Cagayan Valley Campus (PSHS-CVC). Trabaho niyang pamahalaan ang kaayusan ng mga kagamitan at pasilidad sa laboratoryo, isaayos ang iskedyul para sa mga eksperimento at umalalay sa mga bata. Pinangangasiwaan din nilang magsagawa ng oryentasyon at pagsasanay sa mga mag-aaral at guro hinggil sa mga panuntunan at paggamit ng laboratoryo maging ang mga pasilidad.

 

Sa puntong ito, kilalanin pa si Ma'am Cindy kung paano sinukat, tinimpla at pinaghalo ng iba't ibang karanasan ang kanyang pakikibaka sa buhay.

 

Si Ma'am Cindy ay bunso sa pitong magkakapatid, anim na babae at isang lalaki.  Dulot ng kahirapan ay nagsitigil sa pag-aaral ang ilan at nagsipag-asawa naman ang dalawa niyang kapatid.  Ang kanyang mga magulang ay kapwa nakikisaka.

   

”Mag-asawa na lang din kayo, iyon din naman ang mangyayari sa inyo," ang ilang ulit na idinidikdik sa kanilang magkakapatid. Bagamat nang mga panahong iyon ay tila suntok sa buwan ang makapagtapos sa pag-aaral, ay may nais pa rin silang patunayan, "hindi lang tayo hanggang ganoon," ika nga ni Ma'am Cindy. Sa kagustuhan din ng kanyang ina na sila'y makapagtapos ay itinuloy niya maging ng apat niyang kapatid ang pag-aaral.

 

Sa talas ng isipan ni Ma'am Cindy, nakapasa siya sa pagsusulit at naging isa sa mga iskolar ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya. Isang biyaya rin para sa kanya ang pagkakataong makapasok at makapag-aral sana sa isang prestihiyosong pamantasan sa Baguio para sa kursong Chemical Engineering sa tulong na rin ng kanyang tiya. Ngunit kinakailangan niyang bitawan ang pagkakataong iyon. Hindi madaling maitaguyod nang sabay-sabay silang limang magkakapatid sa kolehiyo at upang mas makatipid sa mga gastusin at hindi na gaanong mahirapan ang kanyang ina, mabigat man sa pakiramdam ay mas pinili niyang lumipat sa pamantasang mas malapit sa kanilang lalawigan.

 

Sa Nueva Vizcaya State University- Bambang Campus iginugol ni Ma'am Cindy ang apat na taon bilang kolehiyo sa kursong Batsilyer sa Agham sa Biolohiya. Hindi naging madali sa kanya ang pag-angkop sa kultura at lengguwahe ng hindi pamilyar na lugar. Isa rin ito sa mga dahilan ng kanyang pagkalumbay maliban sa pagkalayo niya sa mga mahal niya sa buhay at labis na pag-aalala sa kaniyang ina. Habang nagsusunog ng kilay ay nasa kalagitnaan ng pagsubok ang kanyang pamilya, kinulong ng sakit na Schizophrenia ang kanyang ina. Para siyang nawawalan ng lakas at pag-asa habang nasasaksihan ang paghihinagpis ng kanilang ilaw ng tahanan. Hindi niya lubos maisip kung bakit ang napakabait at tapat sa Diyos na ina ang nagkakaganito. Ilang beses niya ring kinuwestiyon ang Panginoon. Ganito na lamang ang kanilang naging kalagayan sa buhay.

 

Ang kanyang ina ay isa sa naging inspirasyon niya upang pagbutihin ang pag-aaral. Iginapang   nilang magkakapatid ang pagkokolehiyo. Nagbabahagi rin si Ma'am Cindy ng ilan sa mga salaping natatanggap niya sa pagiging iskolar at nagtatrabaho naman ang kanyang mga kapatid habang nag-aaral. Sa mga panahong iyon, ang isa't isa ang kanilang naging sandigan at pinaghuhugutan ng lakas.

 

Wala ni isang araw ang sinayang ni Ma'am Cindy habang nag-aaral. Ipinamalas niya pa ang kanyang husay nang maipasa niya nang magkasunod ang Sub-Professional Civil Service Examination at Professional Civil Service Examination noong siya ay nasa ikalawang taon sa kolehiyo sa edad na 17. Makalipas pa ng ilang taon at ng kanyang pagpupursigi ay nakapagtapos siya taong 2017 bilang Magna Cum Laude at natamo rin ang dalawang parangal na DOST Award at Student of the Year Award. Unti-unti ay nagsipagtapos din ang kanyang apat na kapatid, at sumunod na naengganyo ang kanyang nakapag-asawang nakatatandang kapatid na magtuloy sa pag-aaral na tulad niya ay nakapasa rin bilang iskolar ng DOST.

 

Upang makatulong sa pamilya at mabigyan din ng suporta ang kanyang kapatid sa pag-aaral ay pumasok si Ma'am Cindy bilang Administrative Assistant sa Nueva Vizcaya State University- Bayombong Campus. Sa ilang buwang pagtatrabaho ay nakasama niya ang ilang mga magsasaka at mga mababait niyang kasamahan sa Banana Micropropagation Laboratory. Sumasama siya sa bukid upang magtanggal ng mga dahon, sukatin ang haba, lapad at dyametro ng mga puno ng saging.

 

Pagkaraan ng ilang buwan ay sinubukan niya ang kanyang kapalaran sa Philippine Science High School-Cagayan Valley Campus (PSHS-CVC) at noong Nobyembre 16, 2017 sa edad na 19 ay nagsimula si Ma'am Cindy bilang Science Research Specialist. Bagamat bata pa ang kanyang edad, may mga pagkakataong pinagdududahan niya ang kanyang kakayahan. Ngunit, pilit niya itong iwinaksi at matatag na ginampanan ang responsibilidad. Sa tulong ng kanyang mga maunawaing kasamahan sa trabaho maging ang pagsasanay at mga pantas-aral na iginawad bilang suporta ng PSHS-CVC ay mas nahuhubog ang tulad niyang empleyado upang mas magampanan ang mga tungkulin at makapagbigay nang maayos at mahusay na serbisyo.

 

Natupad din ang pangarap ng pamilya na makapagtapos silang pitong magkakapatid sa pag-aaral. Ang panganay at pangalawang kapatid ay nagtapos sa kursong Batsilyer sa Agham sa Agrikultura, ang pangatlo ay sa kursong Batsilyer sa Agham sa Narsing, ang pang-apat at panglima ay sa kursong Batsilyer sa Agham sa Kriminolohiya at ang pang-anim ay sa kursong Batsilyer ng Elementaryang Edukasyon.

 

Sa ngayon ay patuloy pa ring sinasamahan ng mag-anak ang kanilang ina sa paglaban sa sakit nito. Ang hindi matapos-tapos na hiling at panalangin ni Ma'am Cindy ay gumaling at maging masaya ang kanyang ina.

 

Sa mga pagsubok na pinagdaanan at pinagdadaanan ni Ma'am Cindy ay mas pinipili niyang maging matatag at muli't muling pinanghahawakan ang bersikulo mula sa Kawikaan 3:5-6, na sa kabila ng hirap, pinakawalang oportunidad at hinaharap na pagsubok ay naniniwala at nagtitiwala siya sa plano at tamang landas na ituturo ng Panginoon. Bukod-tanging hiling pa niya ay ang mabigyan ng maganda at hindi lamang simpleng buhay ang pamilya. Nagpapakatatag siya araw-araw hindi lamang para sa kanyang sarili maging para sa mga mahal niya sa buhay.

 

Walang maiimbentong panukat sa pagmamahal ni Ma'am Cindy sa kanyang pamilya. Hindi matitimbang ang kanyang katapangan, lakas at katatagan. Ang kasarian niya ay 'di rin naging hadlang upang siya ay makapagtapos, at hindi makikita sa kanyang edad ang kakayahan niyang maglingkod, magampanan ang tungkulin at buhatin ang mga pagsubok na ipinasan sa kanyang paglalakbay.

 

Layunin din ni Ma'am Cindy na maging inspirasyon at makatulong sa iba lalo na sa mga kabataan. Para sa mga taong nasa kapareho niyang sitwasyon ay may mensaheng nais niyang ipaabot, "Do not give up on your dreams, it’s okay to struggle now, but you will thank yourself later for not giving up. Dear, the fulfillment of your dreams is on its way.”