MENU

by: Jubilee G. Balonkita

“Ano ‘pong password ng WiFi ‘nyo?” Ito ang karaniwang tanong sa mga mangagawa ng mga restawran, malls, o kahit sa kapit-bahay lang. Inilalagay ang WiFi sa mga pasyalan upang makaakit ng mas maraming mamimili dahil sa panahon ngayon ay sa social media na gaya ng Facebook, Twitter at Instagram ang tutok ng mga tao lalo na sa mga kabataan.

Bilang teenadyer ng lipunan, hindi ko maikukubli na like na like ko rin ang pag–bisita sa birtwal na mundo ng internet. Bukod sa makulay, nakatatawa at maimpormasyon ang mga websites sa internet ay nakatutulong din ito para mapagtibay ang relasyon ng kahit sino sa kani–kanilang mga kaibigan.

Datapwat tulad ng lahat ng bagay, may mga peligro ring dala ang internet. Nang dahil dito ay dumarami ang nagiging biktima ng hacking at nabubuksan ang mga personal na bagay–bagay sa internet. Ayon sa pahayagang Inquirer, 1.5 milyong katao sa Pilipinas ang na-hahack araw–araw. Dahil din sa internet ay mas mabilis na napapalaganap ang mga kalakarang ilegal tulad ng bogus–buying sa online shops, pang–aangkin ng mga katha ng iba o plagiarism at mga online dating sites na maaaring maging kasangkapan sa paggawa ng krimen.

Bakit nga ba nahihilig ang kabataan sa paggamit ng internet? Sinasabi sa pagsasaliksik ni Kraut noong 1998, ‘di umano’y ang paggamit ng internet ay mas nakakapagtaas ng bahagdan ng pagkakaroon ng depresyon, stress at pagkamalungkutin. Tinatawag itong “Internet Paradox” dahil taliwas ang katotohanan sa tunay na nangyayari.

Mahal na mahal ng kabataan ang internet dahil dito, nakakagawa sila ng mundong inihahabi ayon sa kanilang kagustuhan. Sa internet maaaring makagawa sila ng ibang persona na mas–in, mas–cool at mas–havey sa mata ng publiko. Animo’y mascara ang internet para itago ang mukhang malayo sa kabihasnan.

Ang akin lang naman, ilugar ang paggamit sa internet. Ilagay ang paa sa lupa upang huwag mailipad ng umiihip na hangin ng buhay social media. Hindi rin palusot ang kawalan ng WiFi sa hindi mo nagawang proyekto; dahil bago pa man naimbento ang internet ay namuhay ang mga tao sa tulong ng mga libro at natural na kagustuhang matuto. Hindi dapat gamitin ang internet para bumati ng “HBD” o “Happy Birthday” na may emoticon sa huli para sa isang kaibigan. Hindi drive–thru ang internet para makakuha ng larawan ng iyong iniibig at iedit ito gamit ang Photoshop.

Kaya ikaw, oo ikaw! Naka-WiFi ka na ba? Dahil kung naka–WiFi ka na, abot mo na ang kalawakan sa isang pindot mo lamang. Pero mag–ingat–ingat lang at baka ma–auto-correct ka diyan.

By: Jubilee Balonkita

Lindol sa Chile, 1960, sa Alaska, 1964, sa Indonesia, 2004 — ilan lamang ang mga ito sa lahat ng lindol na yumanig sa ating mundo na may lakas na magnitude 8 pataas. Libu-libong katao ang namatay nang dahil sa lindol. Libu-libo ang nasayang na pera sa impastraktura. At napakaraming mga nakaligtas na nagsabing sana’y nawala na rin lang sila kasama ang mga mahal sa buhay.

Ngayon, unti-unti tayong lumalapit sa araw na walang nakakaalam kung kailan ngunit alam nating dadating — ang araw ng “The Big One”.

Ang “The Big One” ay isang pinaniniwalaang malakas na lindol na may magnitude na 7.2 at posibleng magmula sa pagkiskis ng West Valley Fault sa Metro Manila. Ayon sa PHIVOLCS ay mangyayari ito sa ating henerasyon o sa susunod, hindi man alam kung kailan ang eksaktong araw at oras.

Ang West Valley Fault ay may habang mula sa bulubundukin ng Sierra Madre pababa sa Laguna, dadaan sa silangang bahagi ng Lungsod Quezon, Makati, Taguig at Muntinlupa; at sa kanluran naman ng Marikina at Pasig.

Nang dahil sa matataas na gusali na nakatirik sa mabuhangin na lupa ng Maynila, pinaghahanda na ang mga paaralan sa lugar at sa iba pang karatig nito. Inaalam na ng pamunuan ng mga paaralan kung saan puwedeng lumipat ang mga estudyante kung sakaling dumating nga ang lindol.

Sari–saring mga makabuluhang pagtitipon din ang isinasagawa upang mabigyang kaalaman ang mga paaralan sa kung ano ang dapat at hindi dapat gawin kapag lumilindol. Ika nga, mas mabuti nang handa sa sakuna dahil ang pagsisisi ay laging nasa huli.

Hindi lahat ng pangyayari ay ating mahuhulaan. Hindi lahat ay ating matatakasan. Kaya’t mas mabuti nang lagi tayong handa sa isip at gawa. Upang sa kahit anong oras na tumama ang “The Big One”, walang madidisgrasya at walang madadala sa yanig na hatid niya.

By: Kimberlei Baldado

Dalawang estudyante ng Philippine Science High School – Cagayan Valley Campus ang pasok sa 18th Philippine Mathematics Olympiad — Area Stage na ginanap noong ika–14 ng Nobyembre 2015 sa Cagayan State University, Tuguegarao City, Cagayan.

Ang mga nasabing estudyante ay sina Christlen Carlo Olivares ng 9 – Curium at Carlos Lorenzo Guerrero ng 10 – Muon.

Ang kanilang pagka–kwalipika sa nasabing kompetisyon ay dala ng kanilang pagsali at pamamayagpag sa 18th PMO Elimination Round na idinaos naman noong ika– ng Nobyembre 2015 sa parehong paaralan. Sa patimpalak na ito, sampung estudyante ng ating paaralan ang nakilahok.

Ayon kay Ginoong Ronald Navalta na nagsilbi bilang kanilang tagapagsanay, ang kanilang problem solving skills, at lalong–lalo na ng kanilang dedikasyon ang nagdala sa kanila sa nasabing tugatog.

By: Kimberlei Baldado

Tatlong estudycante at isang guro ng Philippine Science High School – Cagayan Valley Campus ang lumahok sa 12th World Robotics Olympiad na ginanap noong Nobyembre 7–10, 2015 sa prestihiyosong Al Shaqab Equestrian Facility sa Doha, Qatar.

Ang mga nasabing estudyante ay sina Cedric Catacutan, John Paolo Lumanlan at Reymar Tutaan na pawang nasa ika–sampung baitang at si G. Jenshiam Balgua na nagsilbi bilang kanilang tagapayo.

Dinaluhan ng mahigit sa 3000 estudyante na kumakatawan sa 47 bansa ang WRO.

Nasa ikatlong mesa ang grupo sa ginanap na WRO eliminations kung saan ay kasama nila ang ibang mga grupo galing sa bansang Greece, Iran, Japan, Qatar at anim na iba pa.

“Iba yung feeling kasi taga–ibang bansa sila, feeling mo ang gagaling nila pero nung nagco–compete na, parang normal na lang kasi pare–parehas kayo ng ginagawa,” ani Reymar tutaan nang siya’y tanungin kung kamusta naman ang kanilang pakikipaglaban sa mga taga–ibang bansa.

Ang kanilang pakikilahok sa nasabing kompetisyon ay dahilan ng kanilang pagkapanalo sa nakaraang 14th Philippine Robotics Olympiad na idinaos naman noong ika–6 hanggang ika–8 ng Nobyembre 2015 sa SM North Edsa Cyberzone.

Nagtapos sa pangatlong pwesto sa PRO ang Team A na binubuo nina Catacutan at Lumanlan, habang ang Team B naman ay hindi pinalad na makakuha ng pwesto. Ganunpaman, ito ay binubuo nina Precious Jane Guerrero at Tutaan.

Ayon kay Balgua, makikitang interesado umano ang mga estudyanteng nabanggit sapagkat bakasyon pa lamang ay nagsasanay na sila para sa patimpalak. Nagtapos sa pang–40 pwesto sa WRO ang grupo. Ang pangalan ng kanilang grupo ay Pisay 2020.