ni: Carlo L. Cadaoas

Ginunita ng Philippine Science High School- Cagayan Valley Campus ang Family Day sa isang benefit run noong Enero 18, 2014 sa Nueva Vizcaya State University Gymnasium.

Ang benefit run na binansagang ‘FamRun’ ay isinagawa para makalikom ng pondo upang suportahan ang ilang mga iskolar nito. Ito ay inisponsor ng TM (Republika ng TM) at iba pang pribadong benepaktors.

Nahati ang marathon sa tatlong kategorya: 3KM mula NVSU hanggang Petron pabalik; 5KM mula NVSU hanggang Provincial Capitol pabalik ; at 10km mula NVSU hanggang Bonfal pabalik. Matapos magparehistro at magbayad ng angkop na halaga, nakatanggap ng baller at isang singlet ang mga tumakbo.

Sinimulan ang umaga ng isang masayang pag-ehersiyo na pinangunahan ng ilang kasapi ng Taraddek Dance Troupe.

Isang malaking digital na timer ang itinayo sa umpisa ng takbo. Ilang sektor ang nag-monitor at nagdokumento nito, kabilang na dito ang ABS-CBN. May mga check-points na nakaistasyon sa iba’t ibang lap upang makapagpahinga at makakuha ng tubig ang mga tumakbo.

Matapos ang tanghalian ay sinundan ito ng Friendship Game na basketbol mula sa mga koponan ng magulang, guro at mga kawani ng Pisay. Ilang mag-aaral sa una at ikalawang taon ang may booth para na rin makalikom ng kanilang sariling mga pondo.

Sinimulan ang Bingo Social sa paraang 10th hanggang Grand Prize: Cash, Electric Fan, Gym Bag ,Trolley Bag ,Watch , Acer Tablet , Printer, Sony Bravia LED TV, Acer Aspire One at Lenovo Laptop.

Ang nasabing pagdiriwang ay pinangasiwaan ng mga opisyales ng PSHS-CVC General PTCA sa pamumuno ni Judge Marivic C. Beltran at ang pakikiisa ng pamilyang Pisay. #