Posted on March 14, 2022
by Maria Jessica O. Villantes

Photo by: Sir Russel Owen Viloria

Sa araw-araw at ‘di mabilang na pagsibol ng bawat umaga, isa siyang malayang wawagayway at masayang aawit anuman ang timpla ng ihip ng hangin.

Sa pagsapit ng alas siyete ng umaga ay makikita na siyang nagbabanat ng buto habang nakaupo sa harap ng Academic Building 1, tahimik na pinapakiramdaman ang paligid habang nakangiting bubungad sa mga nagsisidatingan sabay sulat sa makapal niyang kuwaderno ang oras ng pagpasok ng bawat empleyado. Kapagdaka'y maririnig na ang bawat yabag ng kanyang itim at makinis na sapatos sa tuwing nilalakad ang pasilyo o kaya naman ang kanyang pagtakbo kapag nagmamadaling iparating ang anunsyo. Ngunit, pagpatak ng alas tres ng hapon, ibang yabag na ang maririnig sa building na yaon.

Tapos na ang duty ni Lady Guard.

Ang isang butihing ina mula sa Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya na si Gng. Jemalyn B. Cabatic o mas kilala bilang “Lady Guard” o “Ate Jema” ay apat na taon nang naninilbihan sa Philippine Science High School-Cagayan Valley Campus (PSHS-CVC) bilang lady security guard. Nagsimula siya noong Nobyembre 2017 sa edad na 35.

Bunga ng panghihikayat sa kanya ng kapatid na mag-apply sa Arem Security Agency noong Oktubre 2017 at ang hangaring mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya ay pinasok nga ni Gng. Cabatic ang trabahong ito.

Matapang niyang araw-araw na itinatawid ang seguridad ng bawat isa. Mabusisi niyang sinisiyasat at inaayos ang paligid upang ligtas gamitin, handang-handa siya sa anumang banta ng panganib, at ibinabahagi niya ang magaang atmospera sa bawat pagwagayway maging sa kanyang nakangiting mga mata at labi.

”Kahit anong hirap, huwag pababayaan ang sarili. Bigyan ang sarili ng sapat na oras. Tumayo, tumindig at lumaban lang.”

Laging baon ni Gng. Cabatic ang mga payong ito na ipinunla pa ng kanyang lola noong siya ay paslit pa lamang. Kung kaya't ‘di alintana sa kanya ang pagod at hirap na dala ng trabaho o anumang bigat na dumarating sa kaniyang buhay.

Para sa kanya, hindi siya naiiba sa lahat- hindi naiiba ang lady security guard na katulad niya sa lahat sapagkat matapang niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin, lubos na ipinapamalas ang pagmamahal sa trabaho at higit sa lahat ay may malakas na pananalig sa Diyos. Nagpapasalamat siya sa pagkakataon at pag-aarugang iginagawad ng PSHS-CVC sa kanya at sa kanyang mga kasamahan. Ayon sa kaniya, hindi siya itinuturing na iba at ipinararamdam ang pagmamahal bilang isang miyembro ng pamilya.

Hindi nasusukat sa kasarian o pisikal na kaanyuan ng isang tao ang kakayahang maglingkod at masigurado ang seguridad ng bawat isa. Isa si Gng. Cabatic sa manggagawang Juana na kayang harapin ang anumang responsibilidad, sa loob o labas man ng tahanan. Buong-tapang niyang ipinagmamalaki na isa siyang ilaw ng tahanan at haligi na proprotekta sa kaligtasan ng bawat isa sa paaralan.

Sa araw-araw na pakikibaka ni Gng. Cabatic ay patuloy siyang sumasabay sa bawat pag-ihip ng hangin katulad ng pagtugma sa bawat liriko at tono sa kanyang pag-awit. Anuman ang timpla ng panahon, gaano man kahina o kalakas ang hangin, sasayawan niya ito tulad ng isang ibong malayang naglalakbay sa himpapawid.