by: Maria Jessica O. Villantes


Nagtagumpay si Ada Jemina T. Plata, 12–Andromeda, ng partidong GANA, bilang Bagong Pangulo ng Supreme Student Government (SSG) sa katatapos na halalan nitong Oktubre 20, 2021.

“Sa isang organisasyon, ang lider ay makatutulong na magpasimuno ng positibong pagbabago. Mas mapapadali at magiging epektibo ang pag–aksyon tungo sa karaniwang layunin ng mga kasapi nito. Para sa akin, ang aktibong pamumuno sa SSG ay higit na mahalaga dahil binibigyang–diin nito ang kakayahan ng mga kabataan na maibatid ang kanilang mga saloobin bilang parte ng isang institusyon.,” ani ni Plata, mula sa isang panayam matapos ang kaniyang pagkapanalo.

Dagdag pa ni Plata na sa kanyang pamumuno ay balak niyang itaguyod ang samahan ng mga mag–aaral upang magkaroon pa ng mas malalim na kamalayan at pakikibahagi. Nais niyang maging aktibo ang mga mag–aaral sa paglahok sa mga aktibidades na may kinalaman sa akademiko. Inaasam niya na sa kanyang pamumuno ay makapagbigay pa ito ng oportunidad na magkaroon ng mas matibay na koneksyon ang mga mag–aaral sa paaralan.

Samantalang ang iba pang mga bagong naihalal na opisyal ay sina: Pangalawang Pangulo: Karmina Gabrielle P. Reyes ng 12–Eridani; Kalihim: Niño Ricofrelle P. Dannug ng 12–Andromeda; Ingat–Yaman: Arriane May P. Bacolod ng 12–Cassiopeia; Tagasuri: Maria Dominique M. Beltran ng 11–Spica; Opisyal ng Impormasyon sa Publiko: Rya Jasmin A. Donelo ng 11–Spica; Tagapamahala ng Proyekto: Xin L. Esperanza ng 12–Eridani at sina Mercijo Roma F. Macadangdang, Julienne Marielle V. Agustin at Chelcia Ara Diane F. Mercado na kapwa mag–aaral mula sa 11–Spica.

Ang mga bagong kinatawan naman ng iba’t ibang probinsya at baitang ay sina: Kinatawan ng Isabela: Ayurveda Iesuchristi O. Imperial ng 12–Cassiopeia at Samantha Marie N. Gonzaga ng 12–Eridani; Kinatawan ng Cagayan: Treicee Guian P. Catabay at Giann Kharl S. Alan na kapwa mag–aaral mula sa 12–Cassiopeia; Kinatawan ng Nueva Vizcaya: Bernard G. Tapiru Jr. ng 12–Cassiopeia at Leines Kate A. Gacayan ng 12–Eridani; Kinatawan ng Iba pang Probinsya: Althea Francine I. Abadilla ng 12–Cassiopeia at Rexelle Dianne T. Taguinod ng 11–Altair; Kinatawan ng Baitang 7: Xavier Benedict B. Sambilay; Kinatawan ng Baitang 8: Ingrid Dominique P. Par; Kinatawan ng Baitang 9: Hannah Faith T. Perez; Kinatawan ng Baitang 10: Joshua Robert L. Martin; Kinatawan ng Baitang 11: Kaela Nicole T. Bacero; at Kinatawan ng Baitang 12: Sophia Dominique M. Manalang.

Naisakatuparan ang botohan gamit ang Halalan Online Platform mula sa Unibersidad ng Pilipinas na inayos ng piling mag–aaral ng PSHS–CVC.

Bago pa man ang araw ng eleksyon ay nagkaroon ng pagsasagawa ng Miting De Avance na ginanap noong Oktubre 19, 2021 gamit ang Zoom App. Dumalo sa gawaing ito ang mga mag–aaral at mga guro ng paaralan. May kanya–kanyang gimik sa pagpapakilala ang mga kandidato at latag ng mga plataporma ang dalawang partido na Kaulayaw sa pamumuno ng tumakbong pangulo na si Gabrielle Rose E. Abad at ng GANA.

Sa likod ng matagumpay na halalang ito ay ang pamumuno ni G. Lyndon Lazaro, SST–IV, tagapayo ng SSG, Komisyon ng Halalan na binubuo ng mga piling mag–aaral, at mga guro at kawani ng paaralan. Ayon sa tagapayo, asahan daw na magsasagawa ang SSG ng mga programa na lilinang sa kakayahan ng bawat mag–aaral sa iba’t ibang larangan.

“Bilang kanilang Tagapayo, inaasahan ko na magiging aktibo ang bawat opisyal sa pagpapatupad ng mga programa at aktibidad ng SSG. Bukod dito, hinahangad ko na maging matagumpay ang kanilang pamumuno sa pamamagitan ng lubos na pagkakaisa at pagtutulungan,” dagdag pa ni G. Lazaro.

Inilahad din niya na ipaparamdam ng mga bagong halal sa kapwa nila mag–aaral ang kanilang presensya at sasamahan sila maging sa pagtataguyod ng kanilang pag–aaral sa kabila ng mga pagsubok at mga nangyayari sa lipunan.

Ginanap din nitong Lunes, Oktubre 25, 2021 ang Seremonya ng Panunumpa para sa mga bagong halal na opisyal ng SSG at mga opisyal ng bawat baitang at seksiyon gamit ang Zoom application.