by: Maria Jessica O. Villantes


Hindi pinalampas ng Philippine Science High School - Cagayan Valley Campus (PSHS-CVC) na ipagdiwang ang Araw ng mga Guro, na may temang “Celebrating the Heroes in Us,” nitong Oktubre 20, 2021, gamit ang Zoom app.

Sa pangunguna ng mga opisyales ng Management Committee (MANCOM) ay nagtipon-tipon ang mga guro at iba pang kawani ng Pisay upang maisakatuparan ang nasabing pagdiriwang.

“To teach is to have the power to change the future”, wika ni G. Erick John H. Marmol, direktor ng PSHS, kampus ng Cagayan Valley sa kanyang pambungad na mensahe.

Ang nasabing pagdiriwang ay mas naging kapana-panabik dahil sa mga inihandang aktibidades at papremyo na nilahukan ng mga guro at kawani ng paaralan.

Ang magkatunggaling koponan na Asul at Pula ay nakiisa sa larong Virtual Vintage Game na pinagunahan ni Gng. Keith Ivy N. Agassid, kung saan ang mga miyembro ay nagpaunahan sa paghula ng pamagat sa mga ipinakitang larawan ng iba’t ibang mga palabas. Matapos ang ilang paghuhula ay nagwagi sa huli ang koponan ng mga Asul.

Hindi rin nagpahuli ang mga guro at kawani sa larong IPCR! ni G. Garry Jun M. Mayawin, CID Chief, na hango sa larong Bingo, at nakapagtala ng apat na kampyeon na sina Gng. Zenaida T. Manzano, G. Sadiri S. Corpuz, G. Orcene D. Cancino at Bb. Cindy M. Cumahling.

Ibinahagi rin ni G. Raymund T. Velazco ang kanyang panambitan na pinamagatang “Guro? Ako Yun!” na naglalaman ng misyon, sakripisyo at kahalagahan ng mga guro.

Naghatid naman ng tuwa ang kuwelang pasabog ng bida ng mga prankliners na si Gng. Melahnie C. Agraam kung saan ipinamalas niya ang kanyang galing sa pagsasayaw at pagpapatawa sa kanyang “Titser, Titmam Awards.”

Naging espesyal ang pagdiriwang dahil sa mga pabaong pagbati at pagpupugay mula sa mga mag-aaral at mga opisyales mula kina Gng. Lilia Habacon, punong direktor ng PSHS System, G. Renato Solidum Jr., kalihim ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya para sa Serbisyong Pang-agham at Panteknikal at di rin nagpahuli ang mensahe ni G. Fortunato Dela Peña, kalihim ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya.

Sa huling bahagi ng pagdiriwang ay ibinahagi ng mga kawani ang kani-kanilang pasasalamat at mensahe sa pamamagitan ng Freedom Wall na pinangunahan ni G. Harold V. Gallo, SSD Chief, gamit ang website na Mentimeter, ganoon din ang pangwakas na mensahe ni G. Raymundo DC. Manaligod, FAD Chief.

Hindi maikakaila na ang matagumpay na pagdiriwang ng Araw ng mga Guro ay nagkintal ng aral, ngiti, tuwa, pagmamahal at motibasyon na bibitbitin ng mga pamilyang Pisay sa pagpapatuloy sa paghahatid ng serbisyo para sa mga mag-aaral at sa bayan.